Tonsillectomy

Pag-aalis sa tonsils

Ano ang tonsillectomy?

Ang tonsillectomy ay isang operasyon para alisin ang tonsils, na nasa magkabilang bahagi ng likod ng lalamunan. Kung minsan, kasabay na inaalis ang adenoids, pero hindi ito masyadong karaniwan sa mga nasa hustong gulang.

Kailan ito inirerekomenda?

Hindi masyadong karaniwan ang procedure na ito sa mga nasa hustong gulang pero puwede itong irekomenda kung napakadalas mong magkaroon ng impeksyon sa tonsils, kung malaki ang tonsils mo na nagdudulot ng mga isyu sa paghinga, o kung posibleng may cancer sa tonsils.

Ano ang dapat kong asahan sa procedure na ito?

Papatulugin ka sa pamamagitan ng general anesthesia habang isinasagawa ang procedure. Aalisin ang tonsils sa pamamagitan ng iyong bibig.

Ano ang mga panganib?

Ang pinakamalalaking panganib ay pagdurugo, pananakit, at impeksyon. Ang pagdurugong nangangailangan ng pangalawang operasyon o pagpapaospital ay nangyayari lang sa 1-3 sa 100 pasyente. Hindi karaniwan ang impeksyon pero magagamot ito sa pamamagitan ng mga antibiotic. Napakaliit lang ng posibilidad na mapinsala ang mga katabing istruktura at magkaroon ng peklat sa likod ng ilong na puwedeng magpabago sa boses mo o magpahirap sa paghinga sa pamamagitan ng ilong.

Ano ang dapat kong asahan pagkatapos ng operasyon?

Puwedeng maging masakit na operasyon ang tonsillectomy. Kadalasan, lumalala ang pananakit sa araw pagkatapos ng operasyon, at ilang araw ang pagkirot. Dahil ang nerve na nagsu-supply sa pandama ng tonsil ay nagsu-supply din sa ilang bahagi ng tainga, napakakaraniwan na makaranas ng pagkirot sa tainga pagkatapos ng tonsillectomy. Sa pangkalahatan, inirerekomenda naming dalawang linggo na magpahinga mula sa trabaho, gawaing bahay, o pag-eehersisyo pagkatapos ng operasyon, pero kung minsan ay puwedeng abutin nang hanggang tatlong linggo ang pagpapagaling. Normal lang na magkaroon ng kaunting dugo sa laway, pero hindi na normal kapag marami nang dugo, at dapat kang makipag-ugnayan sa klinika o pumunta sa isang lokal na center para sa pangangalaga. Puwedeng magkaroon ng masamang amoy mula sa bibig o ilong sa loob ng 7-10 araw sa panahon ng pagpapagaling, at magkaroon ng puting patch sa dating lokasyon ng iyong tonsils.