Parotidectomy

Pag-aalis ng Parotid gland

Ano ang parotidectomy?

Ang parotidectomy ay ang pag-aalis sa lahat o ilang bahagi ng parotid gland. Makikita ang gland na ito sa ibaba ng tainga. Dito nagmumula ang laway. Pumapasok ang laway sa bibig sa pamamagitan ng tube (duct) malapit sa mga ngipin sa likod.

Kailan inirerekomendang magpaopera?

Maraming dahilan para alisin ang gland, gaya ng pagpepeklat o tumor. Benign, ang ibig sabihin ay hindi cancer, ang karamihan ng mga tumor na tumutubo sa parotid gland; kakailanganin itong kumpirmahin sa pamamagitan ng pagsusuri sa lesion sa ilalim ng microscope.

Ano ang dapat kong asahan sa operasyon?

Papatulugin ka sa panahon ng operasyon. Aalisin ng doktor ang gland sa pamamagitan ng paghiwa sa iyong leeg at sa harap ng iyong tainga. Puwede kang lagyan ng tube na tinatawag na drain sa likod ng iyong tainga. Ito ay para lumabas ang fluid mula sa hiwa. Aalisin ito ng iyong doktor ilang araw pagkatapos ng operasyon.

Ano ang mga panganib?

Ang nerve na kumokontrol sa paggalaw ng iyong mukha (nerve sa mukha) ay nagta-travel sa pamamagitan ng parotid gland. May posibilidad na mapinsala ang mga nerve na iyon sa panahon ng operasyon, na puwedeng magresulta sa panghihina ng iba’t ibang bahagi ng iyong mukha. Puwedeng maging pansamantala o permanente ang panghihinang ito. May ginagamit na monitor sa panahon ng operasyon para sa nerve sa mukha. Kung may pinsala sa nerve, kakausapin ka ng iyong doktor pagkatapos ng kaso tungkol sa mga susunod na opsyon.  Posible ring pansamantala o permanenteng mamanhid ang bahagi sa paligid ng iyong tainga o mukha. Sa ilang pagkakataon naman, puwedeng magpawis ang mukha ng ilang tao habang kumakain o puwedeng makaramdam sila ng pananakit habang ngumunguya.

Ano ang dapat kong asahan pagkatapos ng operasyon?

Puwede kang umuwi sa parehong araw o i-admit nang isa o dalawang araw.  Sasabihin sa iyo ng doktor mo kung kailangan mong bumalik pagkatapos alisin ang mga tahi.

Puwede ka nang makabalik sa trabaho o normal na routine mo pagkalipas ng ilang linggo. Dedepende ang tagal sa ilang bagay, gaya ng kung gaano karaming tissue ang inalis, gaano kabilis kang makakabawi, at sa uri ng trabaho mo.