Pediatric Tonsillectomy

Pag-aalis ng mga tonsil

Ano ang tonsillectomy?

Ang tonsillectomy ay isang operasyon para alisin ang mga tonsil. Kung minsan, sabay-sabay na inaalis ang mga adenoid. Ang mga ito ay nasa itaas ng mga tonsil at nasa likod ng ilong. Gagawin ng doktor mo ang operasyon sa pamamagitan ng iyong bibig.

Kailan inirerekomendang magpaopera?

Puwedeng maharangan ng mga namamagang tonsil at/o adenoid ang daanan ng hangin, lalo na habang natutulog, na magdudulot ng paghilik, paghahabol ng hininga, at problema sa paghinga. Makakatulong ang pag-aalis sa mga ito na padaliin ang flow ng hangin. Bukod pa rito, puwedeng makatulong ang tonsillectomy sa mga batang madalas magkaroon ng impeksyon sa lalamunan na dulot ng bacteria (strep throat) na nakakaapekto sa kalidad ng kanilang buhay at sa pagpasok nila sa paaralan.

Ano ang dapat kong asahan sa operasyon?

Papatulugin ka. May isasagawa ang doktor sa iyong bibig para alisin ang mga tonsil (at ang mga adenoid kung kinakailangan).

Ano ang mga panganib?

Ang pagdurugo ang isa sa mga mas karaniwang panganib, pero nangyayari lang ito sa 1-2 sa bawat 100 operasyon. May ilang bata na mas nahihirapan huminga pagkatapos ng operasyon at kailangang i-admit sa ospital para masubaybayan nang mabuti. Napakabihira namang magkaroon ng pagpepeklat sa likod ng ilong na puwedeng magpagaspang sa boses o magpahirap sa paghinga sa ilong.

Ano ang dapat kong asahan pagkatapos ng operasyon?

Madalas ay inaabot ang karamihan ng mga bata ng 7 hanggang 10 araw bago makabawi mula sa operasyon. Bumubuti ang pakiramdam ng ilang bata sa loob lang ng ilang araw, habang ang iba ay inaabot nang hanggang 2 linggo para gumaling. Puwedeng bahagyang sumakit ang tainga at lalamunan ng karamihan ng mga bata nang hanggang 2 linggo pagkatapos ng operasyon. Habang nagpapagaling ang iyong anak, posible siyang makaranas ng kaunti hanggang matinding pagkirot. Karaniwan lang na tumindi muna ang pagkirot bago ito bumuti. Karaniwan ang lagnat na hanggang 102 F (38.9 C) sa mga araw pagkatapos ng operasyon. Posibleng ilang araw na makaramdam ng pagkahapo ang iyong anak bago siya unti-unting maging mas aktibo. Madalas ay puwede nang bumalik ang mga bata sa paaralan o day care sa loob ng 1 linggo at puwede na nilang gawin ang mga karaniwan nilang aktibidad sa loob ng 2 linggo. Posible ring magkaroon ng lubos na mabahong hininga ang iyong anak nang hanggang 2 linggo.